kunwari-kunwarian
weird ng mga tao. parang cool ang magpretend. halimbawa, kapag mahirap ka, mega bili ka ng mga bagay na may brand. kahit japeyks, basta magmumukha ka namang mayaman. example? pantalon na guess, iyong me munting triangle na baliktad sa isang bulsa sa likod, bag na lacoste, iyong me malaking buwaya sa harap, oakley na salamin at iba pa. at para patunayang mayaman ka nga, magsa-zagu ka at hindi iyong baby zagu ha, 'yong grande ang size na katumbas actually ng isang meal mo sa araw na iyon, keber na ang kumain ng kanin at least nakapagzagu di ba? magbibitbit ka lagi ng mga imported na books na hiniram sa kaibigan, pataxi-taxi ka lalo't maraming nakakakita sayo'ng papara ka ng taxi at iba pa.
tapos kapag mayaman ka, mega bili ka rin ng mga bagay na ginagamit ng karaniwan pa sa karaniwang tao tulad ng tsinelas na pangkalsada (iyong pinangbabato ng mga batang nagtutumbang preso), nauso rin dati iyong panyong checkered na ipinangtatali sa buhok (iyong ginagamit ng mga babaeng magbubukid) at para patunayan pa na masa ka, uupo ka sa gutter ng kalsada, sasalampak sa sahig sa eskuwela, makikisabay ka sa pagkain sa karinderya, magsusuot ka ng pantalong marumi at wakwak na't naghihimulmol ang laylayan samantalang nakapila ang mga matitino mong pantalon.
itong pagpepretend na ito, usually e, halata namang pretension lang. madalas, mukha pa ring mahirap ang mahirap, mayaman ang mayaman. hindi ko alam kung bakit gustong gusto ng mga tao ang magkunwari.
guilty rin naman ako rito. kung magdamit ako, mukha akong mayaman. (pero kinakalong ko si EJ sa dyip para makatipid sa pamasahe). pag bumababa ako sa kotse ng jowa ko, taas-noo ako na para bang akin ang kotseng iyon complete with driver (pero actually nakisakay lang naman ako). kung minsan, nagsasalita ako na para bang matalinong matalino ako pag nasa labas ako ng up. sumisingit ako sa mga usapang intelektuwal. (pero pag nasa UP na ako, wala na, tiklop na dila ko)
reason ko kung bakit ako nagpe-pretend minsan? gusto ko hangaan ako. gusto ko kainggitan ako. yikes. masama nga, ano? pero minsan kasi iyon na lang iyong pagkakataon mong magcreate ng illusion para sa sarili mo. na once in your lifetime kinainggitan ka, hinangaan ka. nakakaboost din ng self confidence, bah!
pero masama nga iyon kasi hindi naman totoo. at minsan, gumagawa pa tayo ng paraan para ipagpatuloy ang paglikha ng ilusyong iyon. halimbawa, inuubos natin ang pera sa pagbili ng mga branded na bagay samantalang halos wala na tayong makain. napagkakamalan tayong masa, nakukuha natin ang simpatya ng masa but actually, hindi naman tayo masa. ang driver ng tatay natin, masa. at kakarampot ang pasuweldo ni daddy sa kanya. ang yaya natin since birth, yaya pa rin hanggang ngayon. wala tayong naidulot na kaunlaran sa kanya.
naisip ko, mare-relate ito sa bayan. nagkukunwari tayong maunlad. angkat tayo nang angkat ng mga cellphone. ang overpass, me escalator. kahit munting bata, nakakapagfriendster. nagkukunwari tayong matalino sa ingles. ang tatayog ng ating mga building. de laser ang mga gripo sa malls etc. etc. etc.
samantalang nagkalat ang mga batang alang sapin sa paa. nagugutom ang mismong mga taong nagpo-produce ng malalafang natin. iyong teacher sa estong sampay bakod elementary school, namamasa lagi ang kilikili sa init sa loob ng kanyang classroom na parang kaluluwa ni sharon cuneta sa isa niyang pelikula, gutay-gutay.
punyemas! pasikat kasi tayo e. pero ayaw natin harapin ang katotohanan. kasi masakit. masakit aminin na mahirap tayo. wala tayong pera. masakit isipin na kelangan unahin natin ang mga basic things bago tayo magsipormang lahat. mas masarap nga naman ang magpretend. at mas madali kesa iyong humanap tayo ng solusyon sa higanteng problema na 'yan: KARALITAAN
isa pa. alam n'yo ba na me nakikinabang diyan sa walang katapusan, taas-noo nating pagkukunwari? ibalik natin sa tao. pag bumibili ka ng hot or cold japeyks na cologne ng benetton, sino ang kumikita? ikaw ba na bumibili? pag kumakain ka ng french fries sa mcdo habang tumatambay ka roon pagkatapos ng klase mo kasi maaga pa at baka me makakita sa'yo sa pagsakay sa ordinary bus, sino ang kumikita? ikaw ba? o ang dambuhalang food chain na MCDO?
bilang isang bansang nagkukunwaring maunlad, mayaman hmmmmm...mabango? pag nag-aangkat tayo ng mga bagay na ikagaganda, ikababango natin bilang bansa, sino ang kumikita? tayo ba? tayo?
sagot!
kung hindi mo alam ang sagot, utang na loob, 'wag magkunwari.

Lalo na ngayong Pasko. Shet, masyado nang commercialized ang pasko. Kahit luwa na ang mga mata mo at bagsak na bagsak na ang balikat mo sa sobrang karukhaan, any moment mapapadpad ka sa SM.
Ewan ko, pinag-iisipan ko pa rin kasi yung ambivalence ng power sa kulturang Pilipino. Halimbawa, tulad ng sinabi mo na ang kapangyarihan ay nasa MNCs. Pero kung titingnan natin, nasasakapangyarihan din ang mga mahihirap sa pag-acquire ng mga status symbol. 'Yon nga lang, napakasuperficial at very momentary lang ang power.
Posted by: Mar Anthony | December 21, 2006 08:17 PM